BISPERAS
*Isinulat ko ang entry noong Agosto 31, 2006, bisperas ng gabi ng Palanca.
Bukas na ang awards night ng Palanca. Umabot pa nang ganito katagal bago ko naitala sa blog ang tungkol sa pagkapanalo ko. Hulyo 28, tinext ako ni Dr. Luis Gatmaitan para tumawag sa kanyang landline. Matapos tanungin ang pamagat ng piyesang ipinasa ko para sa kategoryang Kuwentong Pambata, kinumpirma niyang nagwagi nga ako ng Ikalawang Gantimpala.
Ngayong isang tulog na lang bago ang parangal, parang may anestisya pa rin ang utak ko. Nananabik na ang lahat ng kapamilya at kaibigang napagkuwentuhan, ngunit sa akin, surreal ang lahat. Dati, nakikigalak lang ako. Ngayon, maaari ko nang angkinin ang galak. Nabubusog na ako noon sa tagumpay ng mga naging gurong manunulat ―ngunit bukas ng gabi― ipararanas sa akin ng langit ang dati’y isa lamang mailap na pangarap.
Kahapon ay tinalakay ko sa aking mga estudyante ang maikling kuwento ni F. Sionil Jose na Heights. Namangha sila sa pangunahing tauhan na dahil sa kabataan ay buo pa rin ang loob na tumuklas at makipagsapalaran. Ngunit napukaw ang lahat, kasama ako, sa sinabi ng nakausap niyang matanda na si Lakay Lagip. It is now how high we can go up and how much we can see. It is how we go up and along the way, how we see things, as you are seeing now this valley, my hut, as you see me…
Nang makarating ang pangunahing tauhan sa tuktok ng bundok, nasilayan niya ang buong Rosales. May pahiwatig ang kuwentong napagtanto rin ng tauhang hindi naman pala sintaas ng bundok ang pakiramdam ng nasa itaas. Ang pagbasang napagkasunduan ng klase: simbilis ng galaw ng kamay ng orasan ang ligayang hatid ng tagumpay. Sa huli, ang naiiwan ay kung paano nito tayo binuo at ang mga Lakay Lagip na ating nakatagpo.
Sa liwanang ng damdaming ito, sasabihin kong ang gabi ng Palanca ay pagdiriwang ko ng pamilya at mga kaibigang nakaambag sa aking pagkatao. Sila na dadalhin ko sa bawat hakbang paakyat sa entablado.
Kina Mama at Papa, para sa aking buhay.
Kina Robert at dalawang Patrick, sa ating pagkakaibigang patuloy na hinihinog ng mga araw.
Sa iba pang kaibigang tulad nina Jeff, Makis, Chuck at sa marami pang kaibigan mula sa San Beda at UP na nagpayaman sa aking karanasan. Gayon din sa mga kaibigang isinilang ng mga trabahong aking napasukan. Sa LSA, STI at CGHCN.
Kay Joey, sa lahat ng inspirasyon at suporta.
Sa aking mga naging estudyante at kasalukuyang estudyante na larawan ko ng magandang mundo.
Kay Winton Lou-Ynion at sa FEU writeshop.
Kay Dr. Luis Gatmaitan at Dr. Heidi Abad, sa paniniwala.
Sa aking mga gurong sina Eugene Y. Evasco at Luna Sicat-Cleto, sa pagpupunla ng tiwala sa aking sarili.
At sa iyo na nagbabasa nito ngayon, ngunit hindi ko na nakuha pang pangalanan, maraming salamat!
Narito na ang piyesang nagpanalo sa akin ng Ikalawang Gantimpala sa 2006 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa Kuwentong Pambata.
TAGUAN-PUNG
Maynard G. Manansala
Laging ako ang taya. Lagi akong nakakantiyawan. Di ako mahusay magtago, di tulad ng aking mga kalaro. Si Pablo, parang paniki kung nangunguyampit sa sanga ng puno. Si Julian, naisisiksik sa bayong ang buong katawan. Sina Rosario at Mercedes naman, sumusukob sa ilalim ng saya ng mga lolang kagagaling lang sa simbahan. Saan ko kaya sila hahanapin? Sa puno kaya ng chico o bayabas nakasabit si Pablo? Naroon kaya si Julian, sa umpukan ng mga tatay na tumatagay ng lambanog? Hayun si lola Sepa, bakit kaya malobo ang likod ng kanyang saya?
Hay… Maghapong taguan at hanapan, hanapan at taguan na naman.
Pagkatapos ng laro, kanya-kanya nang uwi. Tumingala ako habang naglalakad. Parang may inuuwian din kahit ang mga ulap. Unti-unti na ring nagtatago ang araw na ang sinag kaninang umaga ay parang mahabang dilang nambebelat sa tulad kong laging taya.
Sa bahay, parang daga akong humakbang papunta sa aking silid. Ngunit pinigilan ako ng paanyaya ni Ina sa hapunan. Gusto kong magtago sa libagin kong kamiseta. Tinulungan ko na lang sana si Ina sa pag-angkat ng isda kaninang umaga. Ngunit makakalas naman ang aking braso kung hindi ako sasama sa aking mga kalaro.
Nasa mesa na ang ginataang isda. Kumapit na sa mukha ko ang asό ng bagong hanging okra. Habang hinihimay ko ang tinik ng isda, nagkuwento si Ina. Lumusong daw kaninang umaga sa dagat ang mga tao, hanggang sa umabot sa tuhod, hanggang sa baywang nila ang tubig. Ngunit hindi sila nanghuli ng isda, sinalubong nila ang mga dayo. Pinalipad nila sa hangin ang salakot nilang may bandanang pula sa kanilang tuwa. Mula sa bangka, iniabot ng mga dayo ang mga kahon sa mga tao. Pinagpasa-pasahan ng mga tao hanggang sa mailapag sa tabing-dagat ang mga kahon. Sino ang mga dayo? Ano ang hitsura nila? Regalo kaya ang laman ng mga kahon? Bakit kaya sila pinatuloy ng mga tao sa Tribunal, at ang iba naman sa simbahan? Ngunit napabuntunghininga lamang si Ina. Kumusta na raw kaya si Ama? Ilang araw na kasi siyang hindi umuuwi. Inisip ko kung nakikipagtaguan-pung din sa amin si Ama, kung mas mahusay pa siyang magtago kay Pablo. “Rebolusyonaryo ang Ama mo, Andres.” “Ano pong rebolusyonaryo?” Sasabihin na lang ni Ina na tutungo kami sa plasa ng Balangiga bukas para matapos na ang aking pagtatanong. Makikibalita raw kami.
Pupungas-pungas akong lumabas sa silid kinabukasan. Pagbungad ko sa durungawan, naroon si Ina di kalayuan mula sa balon. Iniuunat niya ang kanyang likod. Hindi naman siya nag-iigib. Nagbubunton siya ng dayami. Huminto na siya nang mapansing nanonood ako. Inisip ko, baka napagod na si Ina.
Pagdating namin sa plasa ng Balangiga, nagkalipumpon ang mga tao. Para silang maliliit na isda na hinagisan ng kapiranggot na sumang kurukod. May mga lalaki, matatangkad at mapuputi. Matutulis ang ilong nila. Mahaba ang manggas ng kanilang kamiseta at makintab ang kanilang pantalon. Sabi ni Ina, sila ang pinaghahandaan ni Ama at ng mga kasama niya. Kakaripas na sana akong papunta sa kanila kundi lang muntik nang mapigtal ang braso ko sa pagpigil ni Ina.
Namimigay ng bunga ang mapuputing lalaki. Hindi naman bayabas o chico dahil pula. Apol daw iyon, sabi ni Ina. Apol? Naghagis din sila sa ere ng kutkuting nakabalot sa makilap na papel. Tsokoleyt naman daw iyon. Ano kaya ang lasa? Matamis sabi ng mga batang nakiagaw. Matamis kaya sa bukayo? Pagkatapos namahagi ng mapuputing lalaki. Bawat bata ay mayroong isang aklat. Ano kaya ang mababasa roon?
Umuwi kaming walang bitbit ni Ina, kahit balita tungkol kay Ama.
Nang mga sumunod na araw, hinatak ako ni Pablo sa plasa, hila ang iba pang kalaro. Nakapalibot ang kapwa naming bata. May hawak na mga larawan ang babaeng maputi na sa palagay ko’y kasama rin ng mapuputing lalaki.
“Dog, d-o-g, dog.” Parang koro sa simbahan ang mga bata.
“A for apple.” Apol. Mas masarap nga kaya iyon kaysa sa paborito kong bayabas? O kaya sa chico?
“Chocolate.” Ang tamis ng tsokoleyt. Mas masarap namnamin kaysa masdan lang sa larawan.
“You call me teacher.” Titsyer pala ‘yong maputing babae, titsyer.
Pinalitan ni titsyer ang aming mga pangalan. Tango lang kami nang tango. Paul si Pablo. Juliean daw ang bigkas sa pangalan ni Julian. At ako, Andrew. E, Andres ang tawag sa akin ni Ina.
“Don’t your names sound better?,” kasabay ng pagkusot sa aming buhok.
Walang nalaman si Ina. Hindi niya nalamang kumagat ako ng apol. Hindi ko sinabing kay tamis ng tsokoleyt. Lalong hindi ko ipinagmalaki ang bago kong pangalan. Kuwento sa akin ni Pablo, ay, ni Paul, tuwang-tuwa raw si Aling Selya. Tatalino raw siya sabi ng kanyang ina. Mahihigitan niya ang mga tao sa aming lugar.
Isang umaga, muli akong niyaya nina Pablo, kasama sina Julian, Mercedes at Rosario. Makikinig daw kami sa kuwento ni titsyer. Ayoko na, sabi ko, ayoko nang sumuway sa bilin ni Ina. Sabi ko, rin nagtatampo ako sa kanila. Mula nang dumating ang mapuputing lalaki na may matutulis na ilong, hindi na kami nakapaglaro. Nawala na ang taguan-pung. Sabi ko, payag naman akong maging taya palagi. Ngunit sa bandang huli, ako pa rin ang tayang hila-hila ng aking mga kalaro.
May bagong kuwento si titsyer. Sa isang malayong kaharian, may prinsesang mahabang-mahaba ang buhok. At sa mahabang buhok na iyon kumapit ang prinsipe upang makaakyat sa kinaroroonan ng prinsesa. Mas mahaba pa kaya ang buhok niya kaysa baging sa kagubatan? Huling-huli kong nakanganga si Pablo. Hangang-hanga siya. Si Julian naman, binabatak-batak ang buhok ni Rosario. Takang-taka si Mercedes sa prinsesang natulog ng isandaang taon. Binulong ko sa aking katabi, hindi uubra kay Ina ang gano’n katagal matulog. Ayaw ni Ina sa taong tamad. Ngunit ako, namangha ako sa kuwento ng prinsesang kasing puti ng niyebe na may kaibigang pitong duwende. Kaya lang, may masamang nangyari sa prinsesa. Kinagat niya ang apol na ibinigay ng mangkukulam, kaya nalason siya. Bigla kong nabitawan ang hawak kong apol.
May mga dagdag pang kuwento si titsyer mula sa kanyang malaking aklat. Ang pastol na nagpatumba sa higante. Ang dambuhalang isdang lumulon sa propeta. Ang propetang hindi nilapa ng mabangis na leon.
Tahimik ako sa daan naming pauwi. Sabi ko sa aking mga kalaro, may iba pa akong kuwentong nais marinig. Hindi lamang sa prinsesang may mahabang buhok o pastol na nagpatumba sa higante. Nais kong marinig ang kuwento sa kinaroroonan ni Ama. Walang umimik sa aking mga kalarong abalang kumakain ng tsokoleyt.
Sa daan, kausap ng dalawang mapuputing lalaki ang isag babaeng taga-amin. May hawak na armas ang mga lalaki. “What’s your name lady?” “Do you like us?” Walang naisagot ang babae kundi ngiti. Kinaladkad siya ng dalawang mapuputing lalaki. Wala kaming nagawa kundi tumakbong papalayo.
Gabi nang nakauwi si Ina. Hinila niya ako sa isang sulok. Akala ko nalaman niya ang pagpunta ko sa plasa upang makinig sa kuwento ni titsyer. “Ayokong gagabihin ka sa daan mula ngayon, magulo sa paligid. Kanina, may magkapatid na lalaki na nakipagbuno sa dalawang dayo. Paano, dinahas daw ng mga dayo ang kapatid nilang babae,” paanas na pagbabalita ni Ina.
Madilim-dilim pa nang maramdaman kong kumikilos si Ina. Tiniyak niyang natutulog pa ako bago ilapat ang pinto n gaming dampa. Ngunit tiniyak ko ring hindi niya naramdamang sinusundan ko siya. Kahit sa dilim, kabisadong-kabisado ni Ina ang mga liko, ang mga bako, at palatandaang puno na humahangga sa paanan ng bundok. Napudpod ang tsinelas ko.
Sa tabi ng batong kasing laki ng aming dampa, naghihintay ang isang lalaking namumuti ang mahahabang hibla ng buhok at balbas. Libagin ang kanyang kamisetang tulad ng kamiseta ko sa tuwing naglalaro ng taguan-pung.
“Ka Tomas,” iyon lang ang narinig kong sinabi ni Ina, pagkatapos ay wala na akong narinig sa kanilang pag-uusap. Maliwanag na sa paligid nang umalis si Ina. Nakatalikod na si Ka Tomas nang tawagin ko siya.
“Anak po ako ni Tasyo.”
“Gaano na ba ang iyong gulang?”
“Sampung taong gulang na po.”
Tumango lang si Ka Tomas, hinudyatan akong sumunod sa kanya.
Isinama ako ni Ka Tomas. Tinaluto namin ang daang patungo sa isang lambak. Hindi ko alam kung binibilang niya ang aming hakbang, sapagkat bigla na lamang kaming tumigil sa paglakad. Isa-isa niyang iniangat ang naghambalang na kawayan. May maliit na butas na patungo pala sa isang lagusan. Tila alam ko na kung paano maiwasang maging taya sa taguan-pung.
Yungib. Kay dilim. Kay didilim din ng kanilang mukha, ngunit tila kilala nila ang isa’t isa. May mga sugatang nakahimlay sa batuhan. May mga naghahasa ng armas sa isang dakong kubli. May ibang nakapalibot sa lingas na sa buka ng bibig ay nagkakaintindihan na.
Pinahawakan sa akin ni Ka Tomas ang isang paltik. Ganoon ang pakiramdam nang una kong hawakan ang apol. May kakaibang dama ang mga bagay na noon mo lamang nasalat. Nakapagpapalukso sa dibdib.
Nagsalaysay si Ka Tomas, ngunit hindi tungkol sa mga prinsesa’t propeta. Tinagurian daw ng mga dayo na lupain ng Gu-gu ang aming lugar. Mamumugot ng ulo ang tingin nila sa mga tao sa amin. Mga barbaro. Pagkatapos, iniabot sa akin ni Ka Tomas ang isang mapa, mapa raw iyon ng mga Kastila na ginamit sa pag-aaral ng aming lugar. Nakasulat sa isang bahagi ng mapa ang Rancherias de los infidels. Sabi ni Ka Tomas, The hunting grounds of heretical savages sa wika naman ng mga bagong dayo. Hindi ko naintindihan ang ibig sabihin noon. Ang naintindihan ko lang ay ang tingin sa amin ng mga dayo na malayung-malayo sa lugar at mga taong kilala ko.
Hinatid ako ni Ka Tomas sa panandang bato.
Sa daang pauwi, napatigil ako sa aking nakita. Nakapila ang hubad na kalalakihan. Buhat-buhat nila ang punong pinaputol ng mga dayo. Umuusad sila sa bawat hampas ng armas ng mga dayong nakabantay sa kanila. Para silang pulutong ng mga langgam na humihila ng sumang kurukod.
Araw-araw, niyayaya ako nina Pablo sa plasa. Ngunit lagi na akong nagdadahilan. Pinag-iigib ako ni Ina. Pinagsisibak ng kahoy. Pinagsisinop ng dampa.
Isang gabi, payapa ang aking tulog. Napanaginipan ko ang pagbabalik ni Ama. Hahagkan na niya ako nang biglang may kumahol na aso. Nadagdagan nang nadagdagan ang asong kumakahol. Palakas nang palakas. May humila sa aking braso. Si Ina.
Dinala niya ako sa tabi ng balon. Itinulak sa dakong may nakahalayhay na dayami. “Huwag na huwag kang aalis diyan hanggang hindi ko sinasabi. Mapanganib!” At tinakpan niya ang hukay ng dayami. Wala akong nasambit na kahit ano sa takbo ng pangyayari. Anong pakikipagtaguan ang ginawa ni Ina? Mga putok ng baril ang sumagot.
Dapithapon na nang sunduin ako ni Ina. Hindi ko na napansin ang mga pantal sa aking katawan na dulot ng dayami. Nangibabaw ang pag-alulong ng mga aso. Nanangis ang buong Balangiga. Parang niliglig na puno ang aming dampa. Nabuwal ang mga bangkô. Giba ang papag sa aking silid.
“Ano po ba ang nangyayari, Ina?”
“Nagkaroon ng labanan, anak, sa pagitan ng mga dayo at rebolusyonaryo sa ating bayan. Sabi ni Ka Pedro Duran, nagapi nila ang may apatnapung sundalo at tatlong opisyal. Sa galit ng mga nakaligtas, kinubkob nila ang ating bayan kanina. Bilang paghihiganti, pinatay nila ang mga batang lalaking sampung taong gulang at pataas na maaari nang humawak ng armas.” Niyakap ako nang mahigpit ni Ina.
Naalala ko ang kuwento ni titsyer tungkol sa Paraon ng Egipto. Pinapatay nito ang mga sanggol na lalaking Israelita sa takot na masakop sila. Tulad din ng ginawa ni Haring Herodes nang mabalitaan niya ang pagsilang ng Mesias.
Kinabukasan, nakasalubong ko sa daan si Julian. Hinanap ko si Pablo. Hindi rin daw niya makita. Saradung-sarado raw ang bahay nang puntahan niya nang mas maaga pa. Dama kong tulad ko, nagtatago rin ang takot ni Julian sa ilalim ng kanyang kamiseta. Hinanap namin ang aming kaibigan. Sa mga sanga ng puno, sa naghuhuntahang tatay, sa ilalim ng saya ni lola Sepa. Ngunit wala na kaming nakitang Pablo. Tuluyan nang nawala ang aming kaibigan. Sabi ni Julian, mahirap palang maging taya ang mapuputing lalaking may matutulis na ilong. Pumapatay sila.
Hindi na kami nakapaglaro pa ng taguan-pung. Lumikas na sa ibang bayan ang pamilya nina Rosario at Mercedes. Bihira ko na ring makita si Julian.
At ako, sinimulan ko ang aking mga araw sa pagkukumpuni ng mga nawasak naming kasangkapan. Mula sa bangkô at higaang papag. Tinulungan ko si Ina, sa pag-angkat ng isda at pag-iigib sa balon. Nag-aral din akong magsibak ng kahoy, magtapyas at maghasa hanggang maging sibat. Nagsanay akong tumudla. Sabi ko, hindi na ako nakatago sa dayami sa susunod na labanan. Huminto na rin ako sa pagtatanong tungkol kay Ama, kung ano ang rebolusyonaryo. Sa isang panahong hahawak ako ng armas para sa Balangiga, may bisig na yayapos sa aking katawan. At hindi na kailanman lulukso ang aking dibdib.